btrc_header_4

Bastion of Truth Reformed Churches in the Philippines

Standing fast in one spirit with one mind striving together for the faith of the gospel which was once delivered unto the saints. (Phil 1:27, Jude 3)
Home About Us Beliefs and Practices Standards History Articles Publication Classis News Archive Directory Menu

Si Charles Taze Russell at ang mga 'Saksi ni Jehova'


Tulad ni Ellen G. White, si “Pastor” Charles Taze Russell ay naimpluwensyahan ng mga turo ni William Miller, isa sa mga pasimuno ng Second Adventist Movement. Isinilang si Russell sa Allegheny, Pennsylvania noong Pebrero 16, 1852. Bagamang relihiyoso, sa gulang na 17 si Russell ay naging mapagduda sa relihiyon. Ang palagiang nasa kanyang isipan ay ang tungkol sa biblikal na doktrina ng impyerno. Kinamuhian ni Russell ang kaisipang may pook ng walang hanggang pagdurusa. Tinanggihan niya ang isang Diyos na nagpaparusa sa mga kaluluwa sa panahong walang hanggan.


Noong 1870, nalantad si Russell sa ministeryo ni Miller. Sa kabila ng kabiguan na hindi natupad ang inihula nitong petsa ng pagbabalik ni Cristo, nabigyan ni Miller si Charles ng dalawang bagay na kailangan nito: ang kakayahang teolohikal upang matutulan ang katotohanan ng impyerno at ang panunumbalik ng interes sa katuruan tungkol sa huling mga panahon (eschatology).


Kahit hindi orihinal sa pag-iisip, nagawa ni Russell na magtatag ng isang kilusang pangrelihiyon sa pamamagitan ng pagtanggi sa mga makasaysayang doktrina ng Cristianismo. Siya at ang kanyang mga tagasunod na may iba’t ibang taguri (Millennial Dawnists, International Bible Students, Russellites), ay tinutulan ang Trinidad, ang pagka-diyos ni Cristo, ang Kanyang pisikal na muling pagkabuhay mula sa patay, ang literal na pagbabalik Niya, at ang eternal na hatol sa mga masasama. Nagturo sila ng pangalawang pagkakataon sa lahat upang maligtas sa milenyo (millennium 1,000 taong paghahari ni Cristo sa lupa), habang iginigiit ang pagpuksa sa masasama tungo sa kawalan (annihilation). Nilait nila ang kasapatan ng kamatayang pangtubos ni Cristo. Ang gobyernong sibil ay itinuring nila bilang isa sa tatlong kaanib ni Satanas. Ang dalawa ay ang katuruan ng ibang denominasyon ng mga simbahan at kalakalan.


Dahil isang magaling na tagapagsalita, nagawa ni Russell na hikayatin ang malalaking madla na pakinggan ang kanyang mga lectures tungkol sa pagbabalik ni Cristo. Noong 1872, sa Pittsburg, Pennsylvania, na-organisa ni Russell ang kanyang ministeryo. Noong Disyembre 18, 1884, ang Zion’s Watch Tower Tract and Bible Society ay naging katuwang na gawain ng Asosasyon. Binaha ng Millennial Dawn ang pangrelihiyong pamilihan sa America at Europa.


Noong 1886, sapat nang nahubog ni Russell ang kanyang pag-iisip upang maipalimbag niya ang Divine Plan for the Ages, na nagpahiwatig na sa taong 1914 mararanasan ng mundo ang Armagedon. Mauunang sasapit ang huling dakilang digmaang ito bago ang pagsisimula ng isang libong taong paghahari ni Cristo sa isang binagong sanlibutan. Tinuro rin ni Russell na ang “huling kapanahunan” ay nagsimula na noong 1799 at nagbalik na si Cristo sa “espiritu” noong Oktubre, 1874. Maglaon ay nagbago ang mga petsang ito. Napagpasiyahan na pumasok si Cristo sa kanyang pagkahari sa mga panahon ng Abril, 1878.


Si “Judge” Joseph Rutherford


Si “Judge” Joseph Franklin Rutherford (1869-1942) ang lumitaw na bagong lider ng kilusan. Panunumbalikin niya ang sigla ng kilusan sa pamamagitan ng popular na sawikaing, “Milyon-milyon na ngayo’y nabubuhay ay hindi na mamamatay.” Noong 1931 pinangalanan niya ang ministeryo na Jehovah’s Witnesses (“Saksi ni Jehova”). Bago iyon, itinuloy ni Rutherford ang naiwang gawain ni Russell at nagsimulang gumawa ng mga bulaang prediksyon. Ipinasiya niya na ang Armagedon ay sasapit noong 1918, at pagkatapos ay noong 1925. Hindi namatay ang pag-asa kahit hindi nagkatotoo ang dalawang prediksyon. Ang Beth Sarim (“bahay ng mga maharlika”) ay binili sa San Diego, California noong 1929 bilang pook na titirhan pagdating ng mga “pinuno ng sanlibutan”. Pinaniniwalaan na ang mga muling nabuhay na banal ng Lumang Tipan ay maghahanap ng mainam na lugar na titirhan, kapag bumangon sila para pamunuan ang mundo ng bagong kaayusan ng Diyos. Walang dudang magugustuhan nina Haring David, Samson at Jose ang karangyaan ng Beth Sarim.


Ang simbuyo ng paggawa ng prediksyon ay hindi natigil sa pagpanaw ni Judge Rutherford. Noong 1966 inilathala ni Frederick Franz ang Life Everlasting in the Freedom of the the Sons of God. Itinuro niya na “ang ikapitong panahon [period] ng isang libong taon ng kasaysayan ng tao ay magsisimula sa taglagas ng 1975 CE [Christian Era].” Pinalaganap ang balita na si Cristo ay darating muli. Noong 1974 maraming Saksi ang lubos na naniwala kaya’t ipinagbili nila ang kanilang mga bahay. Minsan pa isang bulaang propesiya ang bumigo sa marami.


Mga Terminolohiya


Tulad ng ibang organisasyong pangrelihiyon, ang mga saksi ni Jehova ay may mga partikular na katagang may espesyal na kahulugan.


AWAKE!, Ang pangalan ng peryodikong Watchtower (Bantayan) na nagpapakilala sa publiko ng mga katuruan ng mga Saksi ni Jehova.


GOATS, ay tumutukoy sa bawat isang hindi kaanib ng Association of Jehovah’s Witnesses. Huhukuman ng Diyos ang mga Goats batay sa Mateo 25:31-46.


SHEEP, na kilala rin bilang ang GREAT CROWD, ang pangalan ng karamihan ng mga Saksi na hindi maninirahan sa langit kundi sa paraiso sa Lupa sa pagbabalik ng Panginoon.


JEHOVAH, ang espesyal at tanging pangalang tumutukoy sa Panginoon


KINGDOM HALL, ay ang bulwagan ng lokal na pagtitipon ng mga Saksi ni Jehova. Dito sila nagtitipon para sa pagsamba at pagsasanay.


LITTLE FLOCK, tinatawag ding ang “144,000” o ang “Anointed Class,” ang elitistang grupong ito ng mga Saksi ay titira sa langit kung saan makakasama at maghaharing kasama si Cristo.


MICHAEL, ang arkanghel, ay talagang ang taong si Jesu-Cristo. Siya ang unang nilalang ni Jehova.


NEW WORLD TRANSLATION, ang opisyal na “biblikal” na salin ng mga Kasulatan (inilathala, 1961). Ang saling ito ay “isinalin” nang sadya at mali sa kaparaanang aayunan nito ang katuruan ng Watchtower (hal. Juan 1:1).


THE WATCHTOWER, lathalaing dinisensyo upang maging “manwal” ng pagtuturo sa mga myembro nito.


ANG JEHOVAH’S WITNESSES LABAN SA SALITA NG DIYOS


Doktrina tungkol sa Diyos


JW Ang doktrina ng Trinidad ay katha ni Satanas. BIBLIA Deut. 6:4; Fil. 2:11; Juan 5:18; Gawa 5:3, 4, 9.


JW Si Cristo ay unang nilikha ni Jehovang Diyos BIBLIA Juan 8:58; Apoc. 1:7-18; Isa. 44:6.


JW Si Jesus ay talagang si Miguel arkanghel na nagkatawang tao. BIBLIA Hebreo 1:1-14.


JW Si Jesus ay nabuhay mula sa patay bilang isang personang espiritu lamang. BIBLIA Luc. 24:39; Juan 20:20, 25, 27; 20:1-9.


JW Ang Espiritu Santo ay hindi persona kundi isang aktibong puwersa lamang. BIBLIA Juan 14:16, 17, 26; Gawa 5:3, 4.




Doktrina tungkol sa Tao


JW Ang kaluluwa ay hindi maipaghihiwalay sa katawan. Kapag ang katawan ay namatay, ang kaluluwa ay mamamatay din. BIBLIA Luc. 16:19-31; 23:39-43; 2 Cor. 5:5-8; Fil. 1:19-24.


JW Si Satanas ang nagpanukala ng konsepto ng kawalang-kamatayan ng kaluluwa. BIBLIA Eccl. 12:7; 2 Cor. 5:1, 6-8.


JW Dahil wala na ngang kaluluwa pagkamatay ng katawan, lahat ng mga Saksi ni Jehova ay lilikhaing muli upang tirhan ang Kanyang kaharian. BIBLIA 1 Hari 17:17-24; Luc. 7:11-17; 24:36-43; Fil. 3:20, 21; 1 Cor. 15:39-54.


JW Dahil wala na ngang kaluluwa pagkamatay ng katawan, lahat ng mga Saksi ni Jehova ay lilikhaing muli upang tirhan ang Kanyang kaharian. BIBLIA 1 Hari 17:17-24; Luc. 7:11-17; 24:36-43; Fil. 3:20, 21; 1 Cor. 15:39-54.




Doktrina tungkol sa Kaligtasan


JW Tinubos ng kamataya ni Cristo ang makasanlibutang buhay at pagpapala lamang na winala ni Adan. BIBLIA Efe. 1:3-14


JW Walang sinuman ang inililigtas ng kamatayan ni Cristo. Nagbigay lamang ito ng pagkakataon sa tao na kamtan ang buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng gawa. BIBLIA 1 Ped. 3:18; Efe. 2:8, 9; 1 Juan 5:11-13; Juan 6:39.


JW Ang dugo ni Cristo sa Krus ay laan lamang para sa 144,000 na espesyal na Saksi. BIBLIA 1 Tim. 2:5, 6; 1 Juan 2:2; 2 Cor. 5:15; Heb. 2:9.


JW Ang daan ng kaligtasan ay sa pamamagitan ng personal na pag-aaral ng Biblia, ng pagiging myembro ng Asosasyon, ng bautismo bilang Saksi ni Jehova, ng paggawa ng mabuti tulad ng pangangaral at pagpapalaganap ng balita ng pagdating ng kaharian ng Diyos. BIBLIA Gawa 4:10-12; 10:42, 43; Rom. 3:21-24.


JW Walang impyerno. BIBLIA Apoc. 20:11-15; Mat. 13:41, 49, 50; Mar. 9:47, 48.





The Bastion of Truth

imageyoucanhear

A newsletter/journal published in Filipino (Tagalog dialect) as a ministry of the denomination of Bastion of Truth Reformed Churches in the Philippines. It is primarily a means of instruction as well as a medium to proclaim and explain the convictions of the BTRC concerning the Gospel of God's sovereign particular grace in salvation.